Paradise of Delight

13 Aug 2011

Pagbabago

Matagal-tagal na din akong may naisulat dito. ‘Yung medyo makabuluhan at may lalim. Naks! Nalaman ko lang kahapon mayroon pa ding palang nag-aabang ng bago dito. Salamat sa patuloy na pag-aabang! Sana ay may mapupulot ka dito kahit papaano, maliban sa pagkaaliw. Naisip ko lang din na magsulat sa Filipino dahil nga ay Buwan ng Wika ngayon. Maiba lang. Nagpunta ako sa dati kong pamantasan kahapon. Matagal-tagal na din akong huling bumisita doon. At dahil sa pagpasyal na iyon, marami-rami din akong napagtanto. May tatlo akong nawari. Gusto ko lang maibahagi kahit papaano. Una sa lahat, matanda na ako, :-o! Humigit sampung taon na ng una akong napadpad doon. Mabilis pala ang sampung taon. Iba rin pala ang nagagawa ng lumipas na panahon. Dati pa’y walang kamuang-muang, nene pa! Kung susumahin, maaaring may nagbago na sa akin, pero ‘di naman ganoong kalaki ang pinag-iba ko sa dating ako. Marami nga akong nakita kahapon, mga tulad ko dati. Mga sabik pumasok dahil sa makikita ulit ang mga kaibigan. Mga batang madadaldal, maiingay at makulit. Parang dati-rati’y kami-kami lang ng mga kaibigan ko ang naghahagikgikan habang naglalakad papunta kung saan man. Pangalawa sa mga natutunan ko ay mahalaga talaga magkaroon ng mga mabubuting kaibigan. Dalawang matagal nang kaibigan ang nakita ko kahapon. Masayang isipin na kahit mayroon nang nagbago sa amin pare-parehas, kahit anong mangyari ‘pag nagkakasama kayo ulit ng mga dati mong kaibigan parang kagaya pa din ng dati. At dahil nga sa paminsan-minsan na din kayong magkita, napag-iisip mo din kung anong naambag ninyo sa buhay ng isa’t isa sa mga maliit na paraan. ‘Yun din ang gusto ko sa mga kaibigan ko nung college. Ramdam mo ang samahan, ramdam mo ang kasaysayan ninyo sa buhay ng isa’t isa kahit alam mong may nag-iba na. At huli, minsan talaga hindi maiiwasan ang pagbabago. At ang pagbabago minsan masyadong mabilis sa inaasahan mo. Kagaya kahapon, minsan inaasahan mo (ang tinutukoy kong mo ay ako), ang isang lugar na iniisip mong ganoon pa din, iba na. Ang isang lugar na dati’y napakapamilyar, ngayo’y di mo na ganoong alam. Marahil nga dahil din wala na doon ang mga inaasahan mong makita: mga taong dati’y madalas mong makasalamuha, mga pamilyar na lugar na madalas mong puntahan at kulturang nag-iba na din sa paglipas ng panahon. Mapapangiti ka na lang at masasabing: “Nanggaling pala ako dito?” Tama na nga!!! Wala lang naman ‘to, pang-emote lang, hehe! 

image